Monday, June 21, 2010

Estranghera

Sa pinili mong landas,
Kung san di lang minsan nadapa,
Nagalusan at naputikan,
Kung san di lang minsan ding
Tumayo ka't humikbi sa kirot
Na pinsidhi pa n'yaring takot
Na dala ng yong pangungulila,
Kung san di lang minsan
Na ika'y humayo at lumakad na muli
Upang marating ang pinili mong paroroonan.


Isa kang estranghera sa mga matang
Mapanglait at mapanghusga,
Ng dahil sa ika'y naiiba sa kanila,
At dahil hindi singtuwid ng landas nila
Ang landas na iyong napiling sundan,
Pinipilit durugin ng itinatago nilang poot,
Ng pilit kinukubli nilang takot, 
At dungisan ng kanilang panlilinlang
Upang mapilitan kang tikisin,
At tuluyan ng iwan ang landas na napili.


Estranghera, ang araw ay di laging magkukubli,
Kahit mga tala'y di lilisanin ang langit,
Kaya't sa landas mo'y mayrong mananatiling
Ilaw na tutulong upang di muling maligaw.
At di rin naman mauubos ang mga taong
Sa mundo mo'y di makakalimot na tumanaw
Ng kahit kaunting pakikisalo, pakikiramay, pakikibaka,
Pagka't maski sa daming bese na ika'y nadapa o naligaw
Mayron pa ring sumisilip na ilaw ng pag-asa,
Ilaw na gagabay at tutuwid sa daanang liko-liko.

No comments: